πŠπŽπ‹π”πŒ | 𝐇𝐔𝐖𝐀𝐆 𝐍𝐀𝐍𝐆 π†π€π–πˆππ† πŒπ€π‹πˆ 𝐀𝐍𝐆 𝐀𝐑𝐀𝐋 𝐍𝐆 ππ”π‡π€π˜ 𝐍𝐈 πŒπ€π‹πˆ

ni Cataleya Zoe J. Sevilla

May mga buhay na hindi na kailanman maibabalik. Ngunit nasa ating mga kamay pa rin ang pagpiling huwag nang hayaang maulit ang sakit at pagkakait na minsan ay kanilang sinapit.

Sa loob ng mahigit apat na dekada, isang nilalang ang nanatiling nakapiit sa isang kulungan. Kasabay nito ay ang pagkakait sa kanyang kalayaan at sa mundong dapat sana’y kaniyang naging tahanan.

Kung hindi natin ipinagkaloob ang kaniyang kalayaan noong siya’y nabubuhay pa, bakit tila maging hanggang sa kanyang kamatayan ay hindi pa rin natin siya tuluyang pinakakawalan?

Ganap na paglaya ang kailangan ni Mali.

Si Mali ang nag-iisang Asian elephant na nanirahan sa Manila Zoo sa loob ng halos limang dekada. Dinala siya sa Pilipinas noong 1977 at kalaunan ay ipinagkatiwala sa pamahalaang lungsod ng Maynila noong 1981. Nanatili siya sa Manila Zoo hanggang sa kaniyang pagpanaw noong Nobyembre 28, 2023.

Mahigit apat na dekada ng kaniyang buhay ang ginugol niya sa isang kulunganβ€”bahagi ng tanawin, atraksiyon, at alaala ng maraming Pilipino.

Ngunit sa likod ng mga alaalang iyon ay isang tanong na hindi dapat basta kalimutan: Nagawa ba talaga natin ang lahat para mabigyan siya ng buhay na mas angkop sa kaniyang likas na pangangailangan?
β€Ž
May mga panawagan noon na ilipat si Mali sa isang sanctuary upang magkaroon siya ng mas malawak at mas natural na kapaligiran. Nagpahayag din ng pangamba ang ilang animal welfare advocates at eksperto tungkol sa kaniyang matagal na pagkakabihag at pag-iisa.

Ngunit hindi rin naging ganoon kasimple ang usapin.

Ipinagtanggol ng Manila Zoo ang pangangalaga nito kay Mali at iginiit na maayos siyang inalagaan. May mga beterinaryo ring nagpahayag ng pangamba na ang paglipat sa kaniya, lalo na dahil sa kaniyang edad at matagal nang paninirahan sa zoo, ay maaaring magdulot ng panganib sa kaniyang kalagayan.

Makatuwiran ang mga pangambang iyon. Ngunit dito dapat magsimula ang mas mahirap na tanong:
Sapat na bang dahilan ang hirap ng isang desisyon upang hindi na ito subukan?

Kung tunay na kapakanan ni Mali ang layunin, sapat na bang sabihin na siya ay inalagaan? O dapat nating itanong kung ang buhay na ibinigay natin sa kaniya ay buhay na tunay na angkop para sa isang elepante?

Hindi na natin mababago ang mga naging desisyon tungkol sa kaniyang buhay. Hindi na rin natin mababawi ang mga taon na lumipas.

Ngunit hindi ibig sabihin nito na tapos na ang usapan.

Kahit matapos ang kaniyang kamatayan, hindi pa rin natapos ang pagiging bahagi niya ng isang pampublikong palabas. Matapos ang proseso ng taxidermy, isinailalim sa preservation ang kaniyang katawan at ngayon ay ipinapakita sa National Museum of Natural History.

Maaaring sabihin ng iba na ang pagpapanatili sa katawan ni Mali ay paraan ng pag-alala at pagbibigay-pugay sa kaniya. Maaari rin itong magsilbing materyal para sa edukasyon at pag-aaral tungkol sa wildlife conservation. Hindi rin naman maituturing na walang saysay ang ganitong layunin.

Ngunit kailangan ba talagang manatiling nakikita ang katawan ni Mali upang manatili siyang bahagi ng ating alaala?

Kung edukasyon ang layunin, hindi dapat katawan lamang niya ang ating ipakita. Dapat ding ipakita ang buong kuwentoβ€”ang kaniyang pagdating sa Pilipinas, ang mahigit apat na dekadang paninirahan sa zoo, ang mga panawagan para sa kaniyang paglilipat, ang mga paliwanag tungkol sa kaniyang pangangalaga, at ang mga tanong na iniwan ng kaniyang buhay.

Sapagkat walang saysay ang pagpapanatili sa katawan ni Mali kung makakalimutan naman natin ang mga aral na hatid ng kanyang mga karanasan.

Hindi ko sinasabing masama ang hangarin ng mga taong nagpreserba kay Mali. Maaaring tunay ngang nais nilang parangalan at gawing bahagi ng edukasyon ang kaniyang alaala. Ngunit hindi sapat ang mabuting intensiyon kung hindi natin haharapin ang mas malaking usapin.

Ang mga hayop ay hindi dekorasyon o atraksyong maaari nating gamitin ayon sa gusto natin. Sila ay mga buhay na nilalang na may sariling pangangailangan. Ang kawalan nila ng kakayahang magsalita para sa kanilang sarili ay hindi nangangahulugang wala tayong pananagutan sa kanila.

Ang kuwento ni Mali ay hindi lamang kuwento ng isang elepanteng namatay. Isa rin itong paalala tungkol sa kapangyarihang hawak natin sa buhay ng mga nilalang na umaasa sa ating pangangalaga.

Hindi na natin mababago ang buhay ni Mali. Hindi na natin maibibigay ang kalayaang hindi niya naranasan.

Ngunit maaari nating tiyakin na hindi na mauulit sa iba ang kaniyang kuwento.

Huwag nating hintaying maging alaala ang isang hayop bago natin seryosohin ang kapakanan nito.

Habang may mga hayop pang nasa ating pangangalaga, dapat nating tanungin kung ang kanilang mga tirahan ay tunay na tumutugon sa kanilang likas na pangangailangan. Dapat nating suportahan ang mga programang inuuna ang kapakanan at konserbasyon ng wildlife. At higit sa lahat, dapat nating panagutin ang mga institusyong may responsibilidad sa kanilang buhay.

Sapagkat ang pinakamakabuluhang paraan upang alalahanin si Mali ay hindi ang panatilihin lamang siyang nakikita, kundi ang matutong huwag nang ikulong ang iba sa parehong kapalaran.

Para kay Mali, huli na. Para sa iba, hindi pa.

Kaya huwag nating hayaang ang kaniyang katawan ang maging huling naiwan sa atin. Gawin nating pamana ni Mali ang isang pagbabagong magsisimula habang buhay pa ang mga nilalang na maaari pa nating iligtas.

Huwag nang gawing mali ang aral ng buhay ni Mali. Kung may natitira mang dapat buhayin mula sa kaniyang kuwento, iyon ay ang pagbabago.β€Ž

Image Source: PETA Asia

#AngFerrerian
#TanglawNgKatotohanan
#PanulatNgLayunin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *