Isang masaya at makabuluhang KALaro Day ang isinagawa ngayong araw bilang bahagi ng programa ng SNED ng Governor Ferrer Memorial Integrated National High School, kung saan minsan sa isang linggo ay nagsasama-sama ang mga mag-aaral at kanilang mga magulang para sa mga gawaing nakatuon sa Kain, Aral, at Laro.
Bago simulan ang mga pangunahing gawain, pinangunahan muna ang isang Zumba session upang mahikayat ang mga mag-aaral at magulang na maging aktibo at pahalagahan ang kahalagahan ng kalusugan at pisikal na aktibidad.
Para sa bahagi ng Kain, nagsalo-salo ang mga mag-aaral sa mga pagkaing inihanda para sa kaarawan ng kanilang guro na si Bb. Ma. Morella C. Abueg. Naging pagkakataon din ito upang magkaroon sila ng masayang salu-salo kasama ang kanilang mga guro at magulang.
Samantala, para naman sa Aral, nagsagawa ang mga mag-aaral ng pagpipinta sa canvas bag. Sa pamamagitan ng gawaing ito, naipamalas nila ang kanilang pagkamalikhain habang natututo ng isang bagong kasanayan.

Hindi rin nagpahuli ang bahagi ng Laro, kung saan masayang lumahok ang mga mag-aaral sa mga larong luksong sako at T-shirt relay. Bukod sa saya, nakatulong ang mga ito sa pagpapaunlad ng kanilang koordinasyon, pakikipagtulungan, at pagkakaisa.
Sa pamamagitan ng KALaro Day, nabibigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral, magulang, at guro na magsama-sama sa mga gawaing hindi lamang masaya kundi may layuning pang-edukasyon, pangkalusugan, at panlipunan.

No responses yet