GENERAL TRIAS CITY, Cavite (Hunyo 26) — Nagsagawa ang 𝐆𝐨𝐯𝐞𝐫𝐧𝐨𝐫 𝐅𝐞𝐫𝐫𝐞𝐫 𝐌𝐞𝐦𝐨𝐫𝐢𝐚𝐥 𝐈𝐧𝐭𝐞𝐠𝐫𝐚𝐭𝐞𝐝 𝐍𝐚𝐭𝐢𝐨𝐧𝐚𝐥 𝐇𝐢𝐠𝐡 𝐒𝐜𝐡𝐨𝐨𝐥 (𝐆𝐅𝐌𝐈𝐍𝐇𝐒) ng 𝐇𝐨𝐦𝐞𝐫𝐨𝐨𝐦 𝐏𝐚𝐫𝐞𝐧𝐭𝐬-𝐓𝐞𝐚𝐜𝐡𝐞𝐫𝐬 𝐀𝐬𝐬𝐨𝐜𝐢𝐚𝐭𝐢𝐨𝐧 (𝐇𝐏𝐓𝐀) 𝐌𝐞𝐞𝐭𝐢𝐧𝐠 para sa mga magulang at legal na tagapag-alaga ng mga mag-aaral, kabilang ang oryentasyon tungkol sa mga polisiya at mahahalagang paalala ng paaralan.
Sa pangunguna ni 𝐃𝐫. 𝐌𝐚𝐫𝐤 𝐀𝐢𝐫𝐨𝐧 𝐏. 𝐂𝐫𝐞𝐮𝐬, punongguro ng paaralan, tinalakay ng mga guro sa bawat baitang ang mga alituntuning ipinatutupad upang mapanatili ang maayos, ligtas, at disiplinadong kapaligiran sa pagkatuto. Kabilang sa mga paksang natalakay ang 𝑹𝒆𝒗𝒊𝒔𝒆𝒅 𝑨𝒏𝒕𝒊-𝑩𝒖𝒍𝒍𝒚𝒊𝒏𝒈 𝑷𝒐𝒍𝒊𝒄𝒚, 𝑺𝒄𝒉𝒐𝒐𝒍 𝑹𝒖𝒍𝒆𝒔 𝒂𝒏𝒅 𝑹𝒆𝒈𝒖𝒍𝒂𝒕𝒊𝒐𝒏𝒔, at iba pang mga patakarang naglalayong mapangalagaan ang kapakanan ng mga mag-aaral at maisulong ang paggalang at responsableng pag-uugali sa loob ng paaralan.
Ipinaalam din sa mga magulang ang pagpapatupad ng 𝒓𝒂𝒏𝒅𝒐𝒎 𝒃𝒂𝒈 𝒄𝒉𝒆𝒄𝒌𝒊𝒏𝒈 bilang bahagi ng mga hakbang sa seguridad ng paaralan upang matiyak na walang naipapasok na mga ipinagbabawal na kagamitan sa loob ng kampus. Matapos ang oryentasyon, pinasagutan sa mga magulang ang mga 𝒄𝒐𝒏𝒔𝒆𝒏𝒕 𝒇𝒐𝒓𝒎 bilang pagsang-ayon sa naturang hakbang para sa kaligtasan ng mga mag-aaral.
Tinalakay rin ang mahalagang papel ng mga magulang at legal na tagapag-alaga bilang katuwang ng paaralan sa pagpapatupad ng mga polisiya at sa paggabay sa mga mag-aaral upang mapanatili ang isang ligtas at positibong kapaligiran sa pagkatuto.

Kasunod nito, isinagawa ang HPTA Meeting kung saan naghalal ng mga opisyal ang bawat seksyon. Ang mga nahalal na pangulo ng HPTA ay lumahok din sa 𝐆𝐫𝐚𝐝𝐞-𝐋𝐞𝐯𝐞𝐥 𝐏𝐚𝐫𝐞𝐧𝐭𝐬-𝐓𝐞𝐚𝐜𝐡𝐞𝐫𝐬 𝐀𝐬𝐬𝐨𝐜𝐢𝐚𝐭𝐢𝐨𝐧 (𝐆𝐑𝐏𝐓𝐀) 𝐌𝐞𝐞𝐭𝐢𝐧𝐠 upang pumili ng mga opisyal ng GRPTA at higit pang mapalakas ang koordinasyon at pakikipagtulungan ng mga magulang at pamunuan ng paaralan.
Labis na nagpapasalamat ang GFMINHS sa aktibong pakikilahok ng mga magulang at legal na tagapag-alaga sa nasabing gawain, na itinuturing na mahalagang hakbang sa pagpapatibay ng ugnayan ng tahanan at paaralan tungo sa isang ligtas, disiplinado, at de-kalidad na edukasyon para sa bawat mag-aaral.
