
Ipinagpaliban ng Department of Education (DepEd) ang Nationwide Simultaneous School Safety Drill for Active Attack Incidents na nakatakda sanang isagawa nitong Agosto 25 dahil sa masamang panahon at kanselasyon ng face-to-face classes sa ilang lugar.
Inihayag ng DepEd noong Agosto 24 na ililipat ang pagsasagawa ng drill sa unang linggo ng Setyembre 2026. Ayon sa kagawaran, bibigyan nito ng karagdagang panahon ang mga kinauukulan upang matiyak na ang aktibidad ay maayos na naihahanda at naisasagawa alinsunod sa mga rekomendasyon ng mga eksperto.
Kabilang sa mga isinasaalang-alang ng DepEd ang mga rekomendasyon hinggil sa panahon, disaster preparedness, child protection, at psychosocial support. Ayon sa ahensya, isinagawa rin ang pagpapaliban dahil sa “prevailing inclement weather and the cancellation of face-to-face classes in several areas.”
Binigyang-diin ng DepEd na kailangang angkop sa edad at trauma-informed ang pagsasagawa ng drill. Inatasan ang mga paaralan na iwasan ang mga simulation na sobrang makatotohanan o graphic na maaaring magdulot ng hindi kinakailangang takot o pagkabalisa sa mga mag-aaral.
Layunin ng aktibidad na ihanda ang mga paaralan sa posibleng active attack incidents sa pamamagitan ng pagsasanay sa wastong protective actions, komunikasyon, koordinasyon, at iba pang hakbang pangkaligtasan.
Samantala, inatasan ang mga regional director na makipag-ugnayan sa Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at iba pang kaugnay na ahensya para sa maayos at ligtas na pagpapatupad ng drill.



